PatrolPH

Higit 200 pamilya mula sa 3 bayan sa Cavite inilikas ng Coast Guard

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2021 04:55 PM

Higit 200 pamilya mula sa 3 bayan sa Cavite inilikas ng Coast Guard 1
Nakapasan sa likod ng kawani ng Philippine Coast Guard ang isa sa mga inilikas na residente mula sa kaniyang binahang bahay sa Naic, Cavite. Larawan mula sa Philippine Coast Guard

MAYNILA—Higit 200 pamilya na ang natulungang mailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa mga binahang barangay sa 3 bayan sa probinsiya ng Cavite, Sabado.

Sa Facebook post ng PCG, nasa kabuuang 212 na pamilya o 700 indibidwal mula sa mga bayan ng Naic, Ternate at Noveleta ang kanilang nailikas sa iba’t ibang evacuation centers Sabado ng umaga dahil sa pagbaha dulot ng habagat na pinatindi ng bagyong Fabian.

“Sa pinakahuling ulat ng PCG Station Cavite, umabot na sa 88 pamilya o 234 na residente ang nailikas sa Ternate, habang 25 pamilya o 107 na residente ang natulungan sa Noveleta na karamihan ay mga kabataan,” sabi ng PCG sa kanilang Facebook post.

Bukod dito, may 99 na pamilya din o 359 katao ang kanilang nailikas sa pagbaha sa Barangay Bucana Sasahan sa Naic. 

Sa 99 na pamilya, 93 sa mga ito ang dinala sa Bucana Sasahan Elementary School at Pueblo Del Mar National High School, habang ang 6 na iba pa ay kasalukuyang nananatili sa Barangay Hall ng Bucana Malaki. 

“Maingat silang inihatid sa pinakamalapit na evacuation center para mabigyan ng karampatang tulong medikal at iba pang assistance,” sabi ng coast guard.

“Sa mga oras na ito, nagpapatuloy ang malawakang paglikas ng mga residenteng apektado ng pagbaha sa probinsya.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.