PatrolPH

2 tulak patay sa magkasunod na buy-bust operation sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2021 04:59 PM

Dalawang itinuturong talamak na tulak ng droga sa Nueva Ecija ang napatay sa magkasunod na operasyon ng awtoridad, Biyernes ng gabi.

Sa kasagsagan ng ulan alas-11:50 ng gabi napatay matapos makipagbarilan umano sa mga pulis ang suspek na si alyas "Junior".

Ayon sa Talavera Municipal Police Station, nagsagawa sila ng anti-illegal drug operation sa Barangay Sampaloc laban sa target suspect.

Matapos ang palitan ng hinihinalang droga at marked money, bumunot umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang police poseur buyer. 

Nakaganti naman ang pulis at nabaril ang suspek na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Nasa drug watchlist ng pulisya ang suspek na ilang buwan na ring minamanmanan.

Narekober sa crime scene ang 2 sachet ng hinihinalang shabu na nabili sa suspek at tinatayang P45,000 ang street value. Nakuha rin sa kanya ang isang kalibre .38 na baril na walang serial number.

Bago ito, isang hinihinalang drug peddler din ang napatay sa operasyon kontra droga sa Barangay San Miguel na Munti alas 04:30 ng hapon.

Kinilala ang napatay na suspek na si Alias ​​Orly, na nagpaputok umano ng baril matapos makatunog na pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Nakaganti rin ang pulis at nabaril ang suspek.

Taong 2016 pa nasa drug watchlist ang suspek. Naaresto na rin siya noong Abril 28, 2016 dahil din sa kasong may kinalaman sa droga.

Nakuha sa crime scene ang 11 sachet ng hinihinalang shabu na nasa P40,000 ang halaga at Colt .9MM pistol na walang serial number.

- Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.