PatrolPH

13 tripulante nakaligtas sa tumaob na bangka sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2021 06:43 PM | Updated as of Jul 24 2021 07:39 PM

13 tripulante nakaligtas sa tumaob na bangka sa Albay 1
Hindi pa nakakalayo sa pantalan ng Pio Duran sa Albay ang bangka nang tumaob dito matapos na masira umano ang tatlong katig nito. Larawan mula kay Meg Marbida

Nakaligtas ang 13 tripulate na sakay ng tumaob na bangka sa karagatang sakop ng Pio Duran sa Albay, Sabado ng umaga.

Ayon kay Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Noel Ordoña, bigla na lang hinambalos ng malakas at malalaking alon ang bangka na kaaalis pa lang ng pantalan papuntang Claveria, Masbate.

Tinatayang nasa 600 na metro pa lang ang layo ng bangka mula sa port nang tumaob ito matapos masira ang 3 katig o paltik.

"Siguro mga after 15 minutes pa lang sila nakaalis, saka humambalos 'yung malalakas na alon. Hindi naman inaasahan 'yun kasi maganda naman 'yung kondisyon ng dagat kanina. Kaya nga nakabiyahe pa 'yung bangka na 'yun mula Claveria, Masbate papuntang Albay kaninang madaling araw. May nakapagbiyahe rin na roro kaninang madaling araw," sabi ni Ordoña.

Nagtulong-tulong ang coast guard at iba pang rescue group para mailigtas ang mga tripulante.

"Wala namang mga pasahero talaga sa bangka kasi cargo vessel 'yun. Mga kargamento lang ang sakay nun kaya mga tripulante lang ang nandun," sabi ni Ordoña.

Naisalba din ang ilang kargamento gaya ng mantika at panindang produkto mula sa bangka.

Ayon sa PAGASA, habagat ang dahilan kaya nagkaroon ng malakas at malalaking alon sa lugar.

- Ulat ni Karren Canon
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.