Task force itinalaga para sa imbestigasyon kay Kapa founder Joel Apolinario

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 11:11 PM

Sumailalim sa inquest para sa paglabag sa firearms Comprehensive law at illegal possession of explosives and incendiary devices si Joel Apolinario, founder ng Kapa Community Ministry International. Kuha ng Surigao del Sur PPO

BUTUAN CITY - Bumuno ng special task force ang mga awtoridad sa Butuan City para sa pagtutok sa nagpapatuloy na imbestigasyon laban sa founder ng Kapa Community Ministry International na si Joel Apolinario.

Inaresto kamakailan si Apolinario para sa kasong syndicated estafa with no recommended bail sa bisa ng warrant na inilabas ng Cagayan De Oro Regional Trial Court.

Papangunahan ni Police Col. Rogel Quesada, ang Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office 13, ang Special Task Group Apolinario.

Sumailalim sa inquest sa Tandag City sina Apolinario at ang 25 kasamahan nito na kasama sa pagkaaresto niya, sa paglabag sa Republic 10591 (Firearms Comprehensive Law) at Republic Act 9516 (Illegal Possession of Explosive and Incendiary Devices), ayon kay Police Col. James Goforth, director ng Surigao del Sur provincial police office.

Kinumpirma ni Police Regional Office 13 spokesperson Police Maj. Renel Serrano na bago pa maaresto si Apolinario ay nagkaengkuwentro ang mga pulis at mga tauhan nito.

Dagdag pa ni Serrano, dalawa ang namatay sa insidente habang isa ang sugatan na agad dinala sa ospital.

Nakuha sa operasyon ang iba't ibang kalibre ng baril, granada, at mga bala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.