Pulisya di na papayagan ang SONA protest sa Commonwealth Ave.

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 04:44 PM


MAYNILA — Hindi na papayagan ng mga awtoridad na magsagawa ng protesta ang mga militanteng grupo sa kahabaan ng Commonwaelth Avenue sa Quezon City kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, ang hakbang ay ginagawa nila bilang pagtalima sa kautusan mula sa Department of the Interior and Local Government at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Nagpapatuloy aniya ngayon ang pagpupulong ng National Capital Region Police Office tungkol sa bagong kautusan at kanilang deployment na isasagawa.

Kakausapin din anya nila ang mga militanteng grupo.

Panawagan nila sa mga militanteng grupo na gawing online na lang ang kanilang protesta.

Una nang nagkasundo ang mga militanteng grupo, QCPD at QC local government na makapagsasagawa ng protesta ang mga grupo sa tapat ng tanggapan ng Commission on Human Rights mula alas-10 ng umaga hanggang tanghali. 

Sinabi na rin ng CHR na magpapadala sila ng ilang abogado para masigurong matiwasay ang protesta at walang mahuhuli nang ilegal. 

Sa panig naman ng mga militanteng grupo, sinabi ni BAYAN secretary general Renato Reyes na mag-uusap pa sila ng iba pang grupo pero iginiit niya na tuloy pa rin ang kanilang protesta sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.