PANOORIN: Ilang bahagi ng Ilocos Norte at La Union inulan ng yelo

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 03:39 PM

MARCOS, Ilocos Norte — Inulan ng yelo ang ang ilang bahagi ng Ilocos Norte at La Union noong Huwebes, batay sa mga kuhang retrato at video ng mga residente.

Kasabay ng malakas na ulan, inulan ng yelo o hail ang bayan ng Marcos, Ilocos Norte. 

Courtesy: Rey Coloma

Tumagal ang pag-ulan ng yelo nang 10 minuto pero umulit ito 2 oras ang nakalipas, batay sa kuwento ng residenteng si Rey Coloma. 

"Biglang kumalabog dito sa bubong namin akala ko yung mga pamangkin ko may hinagis na bato kasi naglalaro sila pero parang hindi. Sabi ko parang may yelo or something. Lumabas ako and then paglabas ko sa harap ko nakita ko talaga bumabagsak yung yelo sa dami," ani Coloma. 

Courtesy: Jester John Oller

Sa La Union, umulan din ng yelo sa Barangay Rizal sa bayan ng Tubao kasabay ang malakas na ulan, batay sa video ni Jester John Oller. 

Paliwanag ng PAGASA, ang pag-ulan ng yelo ay dahil sa namumuong ulap na tinawag na cumulonimbus clouds or thunderclouds na nagdadala ng kidlat, buhawi, at minsanang pag-ulan ng yelo. 

"Alam naman natin na may mga yelo, may ice crystals at tsaka may water droplets na binubuo sa isang thundercloud, bale dahil doon sa tinatawag natin down drop naibababa or naibubuhos na 'yung yelo," paliwanag ni Cynthia Iglesia, chief meteorological officer ng PAGSASA-Ilocos Norte.

Ani Iglesia, iba't ibang probinsya ang nakaranas ng thuderclouds noong Huwebes. 

"Kahapon kasi nagsimula sa eastern side 'yung pagbubuo ng thunderclouds dito sa ating lugar, nagsimula diyan then pabababa siya kahit sa Ilocos Sur meron din hanggang sa La Union at Pangasinan. Pag makikita mo dito sa monitoring namin, grabe yung kulay niya, hindi lang pula, different, ibig sabihin nun grabe 'yung thunderstorm activity na nangyayari sa lugar na 'yun," ani Iglesia. 

Babala ng PAGASA na ang mga yelo na galing sa ulan ay hindi malinis dahil sa polusyon sa hangin kaya hindi ito maaaring kainin o ihalo sa inumin. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.