MAYNILA - Naurong sa katapusan ng Hulyo ang palugit ng gobyerno sa paglalagay ng mga protective barrier sa mga mag-aangkas sa motorsiklo
Sa isang pahayag, sinabi ni Joint Task Force Covid Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na ito ay bunga ng mga natatanggap nilang request mula sa mga motorcycle rider na bigyan pa ng sapat na panahon na makasunod.
Ilan lang daw kasi sa kanila ay hindi alam saan mabibili ang mga aprubadong design ng barrier.
Sa konsultasyon, sinabi ni Eleazar na nasabihan na ang mga motorcycle dealer sa buong bansa kung saan makabiibili ng barrier.
Meron din daw mahahanap aniya sa mga sikat na online store.
Nakipagkoordinasyon naman na daw si Eleazar sa Department of Trade and Industry (DTI) para matiyak na hindi makalulusot sa merkado ang mga substandard na barrier.
Sa bagong schedule, nangangahulugan ito na sisimulan na ang panghuhuli sa mga nagaangkas na motorcycle rider nang walang tamang protective barrier simula August 1.
Nitong buwan ay pinayagan ng gobyerno ang pag-angkas sa mga motorsiklo ng mga mag-partner, basta't naninirahan ito sa iisang bubong at mayroon silang protective barrier para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.
Limitado pa rin sa ngayon ang transportasyon sa gitna ng pandemya at piling sasakyan pa lang ang pinapayagang pumasada.
-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Guillermo Eleazar, Joint Task Force Covid Shield, motorcycle rider, protective barrier, Department of Trade and Industry, PatrolPH, Tagalog News, motorcycles, transportasyon