Pagharurot, pagsagi ng bus sa ilang concrete barriers sa EDSA iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 06:07 PM | Updated as of Jul 24 2020 09:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transport Office ang isang bus company matapos mahuli sa isang video ang isa sa mga sasakyan nito na humaharurot sa EDSA busway. 

Sa video na kumalat sa social media, makikita ang pagharurot ng isang pampublikong bus sa kahabaan ng EDSA busway noong Hulyo 17. 

Sa bilis ng takbo, nabangga pa ng bus ang dalawang concrete barrier kung saan isa rito ang tumilapon at isa naman ay tumama sa puting van. 

Ayon sa DOTr, ipinadala ito sa kanila ng isang concerned citizen. 

“Akala mo nakikipagkarerahan sa may kalsada, wala namang kasabay. May dedicated lane for the buses. Hindi ibig sabihin noon na maging kaskasero na sila at wala nang ingat sa pagmamaneho,” ani Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran. 

Hindi raw ito palalampasin ng ahensiya dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay ng mga pasahero at ng iba pang motorista. 

Naglabas na nitong Biyernes ng show-cause order ang LTO at LTFRB laban sa operator at driver ng Joanna Jesh Transport, kung saan pinagpapaliwanag ang kompanya at pinapapunta sa pagdinig sa Lunes at Martes. 

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, patong-patong na batas-trapiko ang nilabag ng tsuper kaya inirekomenda nila na suspindehin ang lisensiya nito. 

Taong 2016 nasangkot din ang isa pang driver ng naturang bus company sa pagbangga sa mga orange barrier sa EDSA. 

Aminado noon ang tsuper na 3 beses siyang bumagsak sa pagkuha ng professional driver’s license 

Sinusubukan pang kunin ang pahayag ng transport company pero wala pa silang tugon. 

Samantala, nagpaalala ang MMDA na sundin ang mga tamang lane sa EDSA at huwag gamitin ang EDSA busway kung hindi naman kinakailangan lalo’t mga city bus, augmentation bus, at emergency government vehicles lang ang maaaring dumaan dito. 

Multang aabutin nang hanggang P1,000 ang haharapin ng mga lalabag sa patakaran ng mga EDSA busway. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.