Helicopter ng Philippine Air Force bumagsak sa Isabela; 4 patay, 1 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 01:46 PM | Updated as of Jul 24 2020 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Apat ang patay matapos bumagsak ang helicopter ng Philippine Air Force sa Cauayan City, Isabela gabi ng Huwebes. 

Magsasagawa sana ng proficiency training para sa night flying ng limang air personnel ang chopper nang bumagsak ito habang nagte-take off, ayon sa Philippine Air Force. 

Sa isang video, makikita ang pagliyab ng helicopter malapit sa Philippine Airforce Tactical Operations Group 2 (TOG 2). 

Kabilang sa mga namatay ay dalawang piloto, isang officer, at isang air crew. 

Nakaligtas naman ang kasama nilang airman na ginagamot sa Isabela United Doctors Medical Center dahil sa tinamong injury. 

"Napakalaki na ng sunog it's good that yung ating fire truck is well equipped with foam forming chemical na pwede pumatay ng ganung klaseng sunog alam naman natin na pag high octane hindi basta basta napapatay ng tubig lang," ani Fire Insp. Aristotle Atal, chief ng BFP - Cauayan City. 

Hindi na nagpaunlak ng panayam ang TOG2. Pero sa kanilang pahayag, patuloy ang ginagawang imbestigasyon para malaman ang dahilan ng pagbagsak ng helicopter 

Nagpahayag din ng pakikiramay ang Armed Forces of the Philippines sa pagkamatay ng mga kasapi ng Air Force. 

Tiniyak din nilang magpapaabot sila ng tulong at suporta sa mga naulila ng mga ito. 

Iniimbestigahan na rin ang insidente, ayon kay Air Force Spokesperson Col. Aris Galang sa panayam sa Teleradyo. 

-- May ulat ni Darlene Gemino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.