PatrolPH

Experts sana: CHR pumalag sa paggamit ng mga tsismosa sa contact tracing

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 07:39 PM


MAYNILA — Hindi pabor ang Commission on Human Rights (CHR) na gawing contact tracer ang mga tsismosa at tsismoso, gaya ng isinusulong ngayon ng pulisya sa Central Visayas. 

Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia, ang pandemyang COVID-19 ay isang medical health at scientific problem kaya kailangan ay trained na indibidwal o kung maaari ay health expert ang gawing contact tracer.

Kapag hinayaan lang aniya na mga tsismosa at tsismoso ang gagawa ng contact tracing, posibleng walang magiging sistema sa pagkuha ng tamang impormasyon.

Maaari ring may mahahalagang impormasyon na hindi maitatanong.

Giit ni De Guia, delikado na umasa lang sa impormasyon na tsismis lang ang basehan dahil nilalabag nito ang right to privacy at right to dignity ng isang indibidwal.

Panawagan ng CHR sa mga awtoridad na kung maaari, mga health expert o may karanasan na sa pagkalap ng mahahalagang impormasyon ang gawing contact tracer at hindi pawang mga tsimosa at tsismoso.

Noong Huwebes ay sinabi ng pulisya sa Central Visayas na sisimulan na nila ang training ng mga tsismosa para sa contact tracing. 

Nauna na nilang sinabi na pandagdag lamang ito sa mga pulis na nagsasagawa ng mas madugong contact tracing. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.