Demolisyon sa gilid ng mga riles ng PNR, magpapatuloy: opisyal

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 08:28 AM | Updated as of Jul 24 2020 08:40 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Sinabi ng pamunuan ng Philippine National Railways, Biyernes, na ipagpapatuloy nito sa susunod na 2 taon ang demolisyon ng mga illegal settlement sa gilid ng mga riles nito, para bigyang-daan ang ilang proyekto at maiwasan ang mga aksidente.

Giniba ng mga tauhan ng PNR nitong Huwebes ang nasa 150 barong-barong malapit sa riles sa Barangay Dos sa Cabuyao City, Laguna, sa kabila ng pakiusap ng mga residente na ipagpaliban ang demolisyon dahil mahihirapan silang maghanap ng malilipatan sa gitna ng coronavirus epidemic.

Dalawang taon na mula nang simulan ng mga awtoridad ang pagtukoy sa mga illegal settler na makakatanggap ng tulong para mag-relocate upang bigyang-daan ang konstruksyon North-South commuter railway mula Calamba, Laguna haggang Capas, Tarlac, ani PNR General Manager Junn Magno.
 
"Katatapos lang po ng tinatawag naming resettlement action plan... May bigla pong nagpuntahan doon, naglipatan sa gilid [ng riles] sa may Cabuyao," aniya sa panayam ng TeleRadyo.

"Mahaba ang riles namin, marami kaming informal settlers.
Wala naman po kaming ginagalaw sa iba. Ang ginagalaw lang po namin, ang sinasabi po namin sa informal settlers namin d'yan, 'wag kayo doon sa danger zone, iyong tatama iyong structures n'yo sa tren namin," dagdag niya.

May iba pa aniya indibidwal na nagtayo ng mga ilegal na isktraktura sa gilid ng tren at pinaupahan ito.

"May masterlist na kami, naka-lock na po iyon, kung sino ang informal settlers. Kung may nadadagdag po, e talagang tatanggalin namin," sabi ng opisyal. "In the next 2 years, marami po tayong ikini-clear."

Layon din aniya ng PNR na gawing regular ang mga biyahe nito mula Maynila hanggang Bicol ngayong taon.

May nasa 56 biyahe ang PNR kada araw mula Malabon hanggang sa International Rice Research Institute sa Los Baños, Laguna. Inaasahang aabot ito sa 90 trips kada araw kapag napatakbo na ng PNR ang bago nitong tren sa Agosto, ayon kay Magno.

Dahil kailangang magpatupad ng physical distancing sa mga pasahero para pigilan ang pagkalat ng COVID-19, nasa 18,000 na lang aniya ang naisasakay ng PNR kada araw, mula sa dating 70,000.
 
Tuwing umaga, sinusuri ng PNR ang mga tauhan nito. Kapag nakitaan sila ng kahit isang sintomas ng COVID-19, kinakailangan nilang mag-work from home, mag-quarantine nang 3 araw at magpa-test para sa virus. Ikina-quarantine pati ang mga ka-trabaho nila, ani Magno.

"Kailangan ganoon dahil may mga pasahero kami. May makalusot na isa lang, mag-a-outbreak," sabi niya.

Pinagbabawalan din aniya ang mga pasahero na magsalita at makipag-usap sa telepono sa loob ng mga tren para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 na naipapasa sa pamamagitan ng mga droplet mula sa bibig at ilong.

Nitong Marso, tinamaan din ng COVID-19 si Magno. Moderate aniya ang kaniyang mga sintomas kaya kinailangan niya ng oxygen assistance.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.