4 sugatan sa banggaan ng kotse, fire truck sa Sampaloc, Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 05:31 AM | Updated as of Jul 24 2020 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Apat na katao ang nasugatan matapos magbanggaan ang isang kotse at isang fire truck sa Sampaloc, Maynila Huwebes ng gabi.

Ayon sa Sampaloc Police Station, patawid mula M. Dela Fuente Street ang kotse nang salpukin ito ng volunteer fire truck mula Dapitan Street. 

Nag-abot ang dalawang sasakyan sa intersection at nakaladkad pa ang kotse sa lakas ng salpukan.

Ayon sa driver ng fire truck na si Argelle Evans Cunanan, reresponde sana sila sa sunog sa Malate at tumutunog ang sirena ng fire truck nang mangyari ang banggaan.

Narinig din ng barangay tanod ng Barangay 488, Zone 48 ang pagbusina ng bumbero bago ang malakas na salpukan.

Nagtamo ng mga galos ang driver ng kotse na si Dionisio Kalahatian at mga pasaherong sina Ma. Luzon Kalahatian, Haryln Calahatian, at Mylene Anzano Moris.

Agad silang tinulungan ng mga fire volunteer para makalabas sa sasakyan at madala sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.