2 miyembro umano ng kidnap-for-ransom group, patay sa engkwentro sa Rizal

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 05:43 AM

MAYNILA - Patay ang dalawang lalaking miyembro umano ng isang kidnap-for-ransom group matapos nila maka-engkwentro ang mga awtoridad sa Brgy. Gulod Malaya sa San Mateo, Rizal Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police Maj. Ronaldo Lumactod, hepe ng Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) public information office, may mga asset sila na nagtip na may transaksiyon sa droga ang dalawang suspek.

Kinilala ang isang lalaki na si Nathaniel "Tonton" James Recto. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kaniyang kasama.

Sisilbihan sana ng warrant of arrest dahil sa iba't ibang kaso si Recto, pero nang maramdaman niyang papalapit na ang pulisya, sumakay siya at ang kaniyang kasama sa motorsiklo at saka tumakas.

Nang sundan, pinaputukan niya umano ang mga tauhan ng PNP-AKG. Napatay ang dalawa sa madilim na bahagi ng Gulod Malaya.

Ang dalawa ay miyembro umano ng kidnap for ransom group.

May mga naunang kaso sila, kagaya ng paglabag sa gun ban noong election period, at grave coercion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.