2 babaeng 'namemeke' ng rapid test results huli sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2020 09:17 PM

MAYNILA - Arestado ang dalawang babae sa Caloocan City matapos umanong mameke ng rapid test results sa pinagtatrabahuhang internet shop. 

Sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nahuli ang dalawang babae, na tumanggap ng P500 mula sa mga nagpanggap na customer.

Reklamo ng mga biktima, pinapalitan ng mga suspek ang pangalan sa orihinal na rapid test result para makagawa ng pekeng medical certificates gamit ang isang photo editing app. 

"Nagpi-print sila ng mga COVID-19 result na hindi naman galing sa doktor for confirmation ine-edit nila," ani Capt. Edwin Fuggan ng CIDG - Quezon City. 

Itinanggi naman ng dalawang nahuli ang alegasyon laban sa kanila. 

Kinumpiska rin ng CIDG ang mga ebidenisya gaya ng mga computer na ginamit sa pamemeke umano ng medical certificate ng COVID-19. 

Patong-patong na kaso ang ihaharap sa mga suspek. 

Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na huwag tangkilikin ang mga pekeng medical certificate sa COVID-19. 

Magtutuloy-tuloy naman anila ang kanilang mga operasyon laban sa iba pang mga establisimyentong gagawa nito. — Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.