Umano'y tulak, patay sa buy-bust sa Negros Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 03:51 PM | Updated as of Jul 24 2019 04:04 PM

Napatay sa loob ng kaniyang bahay ang suspek matapos na manlaban umano sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Negros Occidental. Larawan mula sa Victorias City Police

Patay ang isang hinihinalang tulak sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Victorias City, Negros Occidental, Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Victorias Police Chief, Lieutenant Colonel Eduardo Corpuz, biglang bumunot ng baril si Roy Sanchez nang malaman na pulis ang nakatransaksiyon sa loob ng kaniyang bahay sa Par 5, Barangay 20.

Nabaril at napatay si Sanchez nang magpaputok na rin ang mga operatiba.
 
Nakuha sa kaniya ang 18 sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P600,000.

Dagdag pa ng pulisya na isang Level 1 High Value Target si Sanchez dahil marami siyang runners na nagbebenta rin ng ilegal na droga.

Hindi naman naniniwala ang mga kapatid ni Sanchez na nanlaban siya sa mga pulis kundi sadya umano siyang pinatay. Nasaksihan umano nila ang nangyaring operasyon dahil magkatabi ang kanilang mga bahay.

Balak nilang magsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights laban sa mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.