Truck nahulog sa bangin, 7 patay

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 04:33 PM

Nawalan ng preno ang truck at dumeretso sa bangin na ikinamatay ng pitong katao sa Ifugao. Larawan mula kay Edna Salazar Pillien


Pito ang nasawi nang mahulog ang isang elf truck sa bangin sa Aguinaldo, Ifugao, Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Police Lieutenant Ricardo Dumangeng, hepe ng Aguinaldo Police Station, maaaring mechanical error ang sanhi ng aksidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, pababa ang truck sa pakurbadang bahagi ng national highway ng Sitio Montonop, Barangay Chalalo nang biglang mawalan umano ito ng preno.

Dumiretso ang truck sa bangin na may 10-metro ang lalim.

Dead on spot ang driver na si Joey Tambiag, pati ang kaniyang asawa na si Divina, at lima pang pasahero.

Nadaganan umano ang mga biktima ng sasakyan at karga nitong mga produkto tulad ng bigas.

Tatlo naman ang nakaligtas at nagtamo lang ng minor injuries kabilang ang 7 taong gulang na anak ng mag-asawang Tambiag.

Sabi ni Mayor Gaspar Chilagan Jr., napag-alaman nilang nakisakay lang ang ilan sa mga biktima sa pamilya Tambiag na papunta naman sana sa lamay ng yumao nilang kaanak. 

Paliwanag naman ng isa sa mga kaanak ng mga Tambiag na nasa kundisyon ang truck na ginagamit din panghakot ng buhangin. 

Sa ngayon ay nakalagak ang mga bangkay ng mga biktima sa Aguinaldo Municipal Gymnasium kung saan magsasagawa ng ecumenical service.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.