Pinya sa Tagaytay, bagsak-presyo dahil sa dami ng ani

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 04:20 PM | Updated as of Jul 24 2019 04:43 PM

TAGAYTAY CITY - Bagsak-presyo ang pinya na inaangkat mula sa Tagaytay dahil sa dami ng ani ngayong buwan, sabi ng mga magsasaka sa lugar, Miyerkoles.

Naglalaro ang presyo ng pinya sa P10 hanggang P35, depende sa laki nito, mula sa P60.

Bagamat malaking tulong ito para sa mga mamimili, nagrereklamo naman ang mga magsasaka dahil kalahati na umano ang kanilang kita.

Pumapangalawa ang pinya sa mga agricultural product na pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga magsasaka sa Tagaytay.

Hindi bababa sa 300 ektarya ang taniman ng pinya sa lungsod. 

Tinatayang kayang umani ng 8,400 na tonelada ng pinya sa Tagaytay dahil nakakakuha ng 28 tonelada ng pinya ang mga magsasaka sa bawat ektarya.

Hindi naman masyadong nababahala ang Tagaytay City Agriculture Office sa dami ng ani ng pinya ngayong buwan dahil mabilis daw itong maubos lalo na kapag Sabado at Linggo kung kailan dagsa ang mga turista sa lungsod.

Puwede rin gawing kendi at suka ang pinya, ani Joselito Laguardia, hepe ng Tagaytay City Agriculture Office.

Noong nakaraang linggo ay nagbagsak-presyo rin ang pinya mula sa Laguna dahil sa oversupply.

Inaasahan ng mga magsasaka na babalik na sa dati ang presyo ng pinya sa susunod na buwan.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.