Mga guro, umaasang sasapat ang ipinangakong dagdag-sahod

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ang Grade 4 teacher na si Ariel dela Cruz sa mga nakinig sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes. 

Ikinatuwa raw niya ang pagbanggit ni Duterte sa kanilang mga guro, lalo noong sabihin nitong magkakaroon sila ng umento sa sahod.

Nasa P22,000 kada buwan ang sahod ni Dela Cruz bilang Teacher II pero binabawasan pa ito dahil sa kaniyang mga kontribusyon.

Meron din siyang binabayarang utang na P3,000 kada buwan dahil kumuha siya ng laptop na ginagamit niya sa pagtuturo.

Lumalabas tuloy na P15,000 na lang ang take-home pay ni Dela Cruz kada buwan.

Sana raw ay sapat ang magiging umento para sa mga pangangailangan nilang mga guro.

"Nagbabayad pa ng bahay, pamasahe, pagkain," ani Dela Cruz.

Ayon sa grupong Teachers' Dignity Coalition (TDC), masaklap ang naging karanasan ng mga guro sa nakaraang Salary Standardization Law noong 2015.

Nasa P2,205 ang umento na inutay-utay ang pagbibigay sa loob ng 4 taon.

"Diyan naganap 'yong pinakamatindi nating inflation," ani TDC Chairperson Benjo Basas.

Ayon pa sa grupo, P10,000 kada buwan na umento para sa lahat ng teaching at non-teaching personnel ang kanilang hinihingi.

"Ibigay na ito nang minsanan upang maramdaman natin," ani Roel Telan Mape, miyembro ng Alliance of Concerned Teachers.

Hindi naman masabi ng Department of Education kung magkano ang ibibigay na increase sa mga guro dahil depende raw ito sa kakayanan ng gobyerno. 

"'Yong affordability or capacity of the government to finance such an increase," ani Education Spokesperson Nepomuceno Malaluan.

Naghain na rin ng mga panukala ang ilang mambabatas para itaas ang sahod ng mga guro.

Pinag-aaralan din ng Department of Budget and Management kung ano dapat ang magiging bagong sahod ng lahat ng government workers, kabilang ang mga guro, para sa mga taong 2020 hanggang 2022.  -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.