Magnanakaw ng bisikleta tinutugis sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 05:09 PM | Updated as of Jul 24 2019 07:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ng pulisya sa Antipolo City ang isang taong umano ay nagnanakaw ng mga bisikleta sa isang subdivision sa lungsod.

Ayon kay Lt. Col. Alvin Ruby Consolacion, hepe ng Antipolo police, inaalam na nila ang pagkakakilanlan ng salarin sa tulong ng mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera.

"Gusto nating malaman ang identity ng suspect, masampahan ng kaso at ma-neutralize kaagad," ani Consolacion.

"Kasi pag hindi, uulit at gagawa yan ng masama," dagdag niya.

Ang salarin ang sinasabing nagnakaw noong Lunes sa bisikleta ng anak ng residenteng si Irene Calpo, at nakuhanan ng CCTV na nagtangkang magnakaw sa bisikleta ng kapitbahay ni Calpo na si alyas "Jake."

Ayon kay Calpo, alas-4:30 ng madaling araw nang mapansin niyang nawala ang bisikleta ng anak at bukas ang gate ng kanilang bahay.

Bago nito, bandang alas-2:30 ng madaling araw, nahagip ng CCTV sa subdivision ang sinasabing salarin, na nakasuot ng asul na damit at itim na pantalon.

Inakyat ng salarin ang gate ng bahay ni "Jake" at kinuha ang bisikleta nito.

Pero binaba ng salarin ang bisikleta at kinuha ang isang water gun para paglaruan ito, dahilan para maabutan siya ni "Jake," na kagagaling lang ng airport.

Tumakas ang salarin na umakyat muli sa gate.

"Nagkagulatan na. Sabi ko iko-corner ko na. Ang bilis ng talon niya," kuwento ni "Jake."

Bukod sa pagkuha ng mga equipment na magpapaigting sa seguridad ng kani-kanilang mga bahay, nais din daw nina "Jake" at Calpo na higpitan ng pamunuan ng subdivision ang seguridad sa kanilang lugar. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.