Lalaki, patay sa pamamaril sa Iloilo

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 03:32 PM

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima pero ideneklara na itong dead on arrival.

BAROTAC NUEVO, Iloilo – Patay ang isang 42-anyos na lalaki matapos na barilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay Poblacion, Ilawod sa nasabing bayan, Miyerkoles ng umaga.

Kagagaling lamang mula sa paghahatid sa paaralan ng kaniyang anak ang biktimang si Conrado Almarza III nang pagbabarilin ng mga salarin pasado alas-7 ng umaga. 

Naisugod pa siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Walang CCTV sa lugar na pinangyarihan ng insidente pero may ilang testigong nakakita sa pamamaril.

Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ang kanilang pulang motorsiklo.

Ayon sa asawa ng biktima na tumangging humarap sa camera, ngayong araw ang huling hearing nila sa Provincial Environment and Natural Resources Office tungkol sa reklamong isinampa laban sa itinatayong quarry business ni Conrado.

Paniniwala nito na may kinalaman sa sinisimulang negosyo ng asawa ang pagpatay. Aminado naman ang asawa na nangangamba na ito para sa kaniyang buhay matapos ang pamamaril sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.