Ilang residente sa Naga City, Cebu, lumikas matapos gumuho ang lupa

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 05:44 PM

NAGA CITY, Cebu—Ilang residente ng Barangay Balirong sa lungsod na ito ang kinailangang ilikas matapos gumuho ang lupa sa likod ng isang bahay.

Martes ng gabi nang nakaramdam ng paggalaw ng lupa ang pamilya Lavilla. Dito na nila nakita na tumagilid na ang bahagi ng kanilang kusina.

Sa pagsusuri ng City Disaster Risk Reduction and Management Office sa lugar, lumalabas na kailangang iwan muna ng mga residente ang hindi bababa sa 10 bahay dahil maaaring lumaki pa ang pagguho kung magpapatuloy pa ang pag-ulan.

Ayon naman kay barangay chairman Andrecito Canonigo, hinihintay pa nila ang pagpapatayo ng riprap sa lugar mula sa Department of Public Works and Highways.

Kasalukuyan nang nakakordon ang lugar kung saan gumuho ang lupa. Wala namang nasugatan sa insidente pero nais ng lokal na pamahalaan na mailikas ang mga residente para maiwasan ang anumang sakuna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.