Dumaing ang ilang labor groups sa hindi pagbanggit sa kaniyang State of the Nation Adress noong Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naging usad ng security of tenure bill.
Sa ilalim ng batas, inaayos ang mga trabahador sa apat na klase: regular, probationary, project-based, at seasonal, at tinatanggal nito ang endo o "labor-only" contracting.
Binanggit din ni Duterte ang panukala sa mga nakaraan niyang SONA.
Sa ngayon, pirma na lang ni Duterte ang inaantay ng batas. Pero kinuwestiyon ni Josua Mata, pinuno ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa ang hindi pagpapaliwanag ni Duterte sa usad nito sa talumpati.
"Pinangako mo 'yan noong nangangampanya ka, tapos ni hindi mo ipapaliwanag sa publiko kung ano ang mangyayari diyan sa batas na hiningi mo rin in the first place?" ani Mata.
Sa survey ng Social Weather Stations, sahod at trabaho ang mga isyung pinakagustong matalakay ng mga Pilipino sa SONA.
Sa kaniyang SONA, pinasadahan ni Duterte ang pagpasa ng bagong bersiyon ng Salary Standardization Law para sa mga government workers at pagpapalago ng maliliit na negosyo.
Pero tingin ng Trade Union Congress of the Philippines na kulang pa rin ang tulong sa mga manggagawa, partikular na sa mga manggagawa sa pribadong sektor na nanganganib nang ma-endo.
"Itong Small and Medium Enterprises ang magiging source ng malaking empleyo... Ang empleyo ho na 'yan ay by it's very nature ay magiging endo," ani Louie Corral, vice president ng TUCP.
Ayon kay Duterte matapos ang kaniyang talumpati, gusto pa raw niya itong pag-aralan.
"I had to confer with a lot of people affected. You know (it) takes two to tango. So it would affect the employers and, of course, it would also greatly favor workers," ani Duterte sa press briefing matapos ang SONA.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, labor groups, Duterte, SONA, SONA 2019, TUCP, SENTRO, security of tenure bill