Albayalde: CIDG kumonsulta sa SolGen para sa kaso vs Leni, iba pa

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 04:53 PM | Updated as of Jul 24 2019 08:29 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Inamin ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde na kumonsulta ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay ng kasong sedisyong inihain laban kina Vice President Leni Robredo at iba pang taga-oposisyon.

Ito ay matapos matuklasan ng ABS-CBN News na may kinalaman ang OSG sa paghahanda ng affidavit ni Peter Joemel Advincula, ang lalaking nagpakilalang si "Bikoy" na tampok sa "Ang Totoong Narco-list" videos, na ginamit na basehan sa reklamong isinampa sa Department of Justice.

Ayon kay Albayalde, walang iregular sa nangyari dahil normal na humingi ng payong legal ang ano mang ahensiya ng gobyerno sa OSG, na abogado ng gobyerno.

"Hindi sila ang gumawa, nakialam sa ano. It's normal for us to seek advice, legal opinion from OSG, being the sole legal counsel of all government entities," ani Albayalde.

Hindi na idinetalye ni Albayalde kung ano ang napag-usapan ng CIDG at OSG.

Sa inilabas naman na pahayag ng OSG, ipinaliwanag nitong ang Solicitor General ang tumatayong abogado ng bansa, at lahat ng ahensiya at kagawaran, kasama ang PNP-CIDG.

Ayon sa OSG, obligasyon nitong pagsilbihan ang kaniyang mga kliyenteng humihingi ng payong legal.

Iginiit din ng OSG na kliyente nila ang PNP-CIDG at hindi si Advincula, na may sariling abogadong hindi mula sa kanilang tanggapan.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sino man ang naghanda ng affidavit, ang mas mahalaga ay kung kayang patunayan ng CIDG ang mga paratang para makapagsampa na ng kaso.

Pero ayon sa dating Solicitor General na si Florin Hilbay, hindi sakop ng kapangyarihan ng OSG ang tumulong sa pagsampa ng kriminal na kaso dahil pumapasok lamang ito kapag inaapela na ang hatol.

Hindi rin maaring gamiting state witness si Advincula, ayon kay Hilbay, na isa sa mga inireklamo.

Inakusahan si Robredo at iba pang taga-oposisyon ng sedition dahil sa umano ay pagkakadawit nila sa "Ang Totoong Narco-list" videos na nag-uugnay sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakaran ng ilegal na droga.

Napag-alaman na 2 kawani ng OSG ang tumulong sa pagbalangkas ng sinumpaang salaysay ni Advincula.

Nauna nang sinabi ng isang constitutional law expert na hindi ilegal ang pagtulong ng OSG sa pagbalangkas ng affidavit ni Advincula pero posible raw tingnan ito bilang hakbang para patahimikin ang oposisyon.

-- Ulat nina Mike Navallo, Zhander Cayabyab, at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.