8 dengue patients namatay ngayong Hulyo sa Davao City

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 04:26 PM | Updated as of Jul 24 2019 04:49 PM

DAVAO CITY – Walong bata ang kumpirmadong namatay sa sakit na dengue ngayon buwan, ayon sa Southern Philippines Medical Center.

Sila ay kasama sa 330 bilang ng mga pasyenteng naospital sa buwang kasalukuyan.

Ayon kay Dr. Jeannie Ong, chair ng dengue committee ng SPMC, tumaas nang husto ang bilang ng mga nagkasakit ng dengue na naadmit sa ospital. 

Ngayong araw ng Miyerkoles, nasa 57 na ang naka-confine sa ospital.

Dahil dito, gumawa na rin ng fast lane sa ospital para sa mga dengue patient.

"We anticipated for this year na marami talagang dengue. We created this fast lane and dengue ward na kapag suspect ng dengue na hindi na sila pipila sa general consultation,” paliwanag ni Ong.

Simula Enero hanggang Hulyo nitong taon, 738 na ang naitalang nagkadengue at naadmit sa SPMC. Karamihan sa mga dengue patient ay nanggagaling sa Davao City.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.