2 umano'y miyembro ng Abu Sayyaf arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2019 01:07 PM | Updated as of Jul 24 2019 06:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang 2 itinuturong miyembro ng Abu Sayyaf sa magkahiwalay na operasyon sa Quezon City at Maynila.

Iniharap ng National Bureau of Investigation sa media nitong Miyerkoles sina Julmain Ismael Maomar Timbao at Anwar Sabarul Mohotoh na may mga alyas na Ibno Ayob at Ayyub.

Naaresto si Mohotoh sa Quiapo noong Hulyo 12 at napag-alamang may standing warrant of arrest para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

Kaugnay ito ng umano'y pagdukot sa 6 na miyembro ng Jehovas Witness noong 2002. Pinugutan ng mga suspek ang 2 biktima noong Agosto 20, 2002.

Nahuli naman si Timbao sa Barangay Culiat, Quezon City noong Hulyo 17 para rin sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

Nakapiit ang dalawa sa NBI detention facility sa Maynila at nakatakdang ibiyahe sa Bureau of Jail Management and Penology sa Taguig.

--Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.