Sunog, sumiklab sa 3 barangay sa Jolo

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 10:25 PM

 

JOLO, Sulu—Libo-libong mga pamilya ang nawalan ng tirahan nang sumiklab ang isang malaking sunog malapit sa boundary ng Barangay Busbus at Barangay Walled City sa bayang ito Martes ng hapon.

Sa paunang ulat, aabot umano sa 2,000 bahay ang nasunog sa Barangay Busbus.

Naideklara nang fire out ang sunog sa lugar. Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang dahilan ng sunog.

Samantala, isang hiwalay na sunog ang sumiklab sa Barangay Lambayog na karatig-barangay lamang ng Barangay Busbus.

Ayon sa Provincial Fire Marshal ng Sulu Province Fire Inspector na si Ronnie Alamia, aabot sa 1,000 pamilya ang apektado sa sunog.

May apat na residente na rin umano ang dinala sa ospital matapos magtamo ng sugat dahil sa sunog.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa 2 magkahiwalay na sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.