SONA ni Duterte, pasado sa ilang OFWs sa Middle East

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Jul 24 2018 11:59 AM

Pero ilang pangako, napako

KUWAIT – Pasado ang ibinigay na marka ng ilang mga overseas Filipino worker sa Middle East para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ng hapon.

Ikinatuwa ni Kathy Mascardo-Syed, president ng PICE-Oman ang naging talumpati ni Duterte kung saan wala umano siyang narinig na pagmumurang kadalasang sinasabi ng Pangulo.

“Nagustuhan ko yung sinabi nya na your human rights and mine is human lives, your concern is the present, my concern is the present and future. Mabuhay, Mr. President at lagi po kaming nakasuporta sa inyo dito sa Oman,” sabi ni Syed.

Tulad na marami, nagulat din sila sa dramang naganap bago ang SONA ng pangulo.

“Nagkaroon lang ako ng pagtataka dahil for the first time in the history bago mag-SONA nagkaron ng shake up sa leadership ng Congress at saka pinagtaka ko rin walang nag-prayer sa ating mga kapatid na Muslim pero overall talagang approve sa akin and platapormang sinabi ng ating Pangulo lalo na yung upcoming progress ng ating Pilipinas sa kaniyang pamumuno,” sabi ni Alliver Revilla

Sa Dubai, two thumbs up din ang ibinigay ng mga OFW sa SONA ni Duterte.

“Marami naman siya nagawa sa term niya. Katulad nung para sa akin as an OFW, yung one-stop na para sa aming mga OFW. Also, yung 10-years sa passport natin and yung sa e-gate din. Marami naman din siyang naitulong sa mga mahihirap during his administration and also syempre doon sa drug addicts. Malaking pagbabago talaga sa Pilipinas,” dagdag naman ni Roxy Sengco, isang registered nurse sa Dubai.

Pero kung may todo-suporta kay Duterte, mayroon din nababahala sa estado ng ekonomiya ng bansa dahil kulang umano ang nabanggit na kongkretong hakbang ng Pangulo sa kaniyang SONA.

“Ang ipinapadala namin sa pamilya ramdam na ramdam nila ang pagbagsak ng ekonomiya,” sabi ni Marybeth Almira, health service coordinator sa Dubai.

Nagpasalamat naman ang mga OFW sa Jeddah, Saudi Arabia sa Pangulo. Pero may isang pangako raw ang napako.

“Kaming mga OFW, nag-promise po kayo na magkakaroon kami ng sarili naming departamento. Sana matupad ninyo po ito bago po kayo bumaba sa inyong panunungkulan,” ayon kay Venecio Legaspi, director general ng OFW Council of Leaders sa Jeddah.

Para naman sa AKO OFW Advocacy Group sa Kuwait, kapansin-pansin din ang pag-iwas ng Pangulo na mangako ng mga bagong proyekto o programa para sa mga OFW.

“’Yon pong pension plan sana po maski hindi napasama sa SONA, sana pag-aralan po ng government ni Pangulong Duterte para sa OFW,” sabi ni Romano Roman, member ng AKO OFW Kuwait.

Sa pag-upo ni Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo bilang Speaker matapos ang SONA, umaasa ang ilang na mas maraming panukala para sa mga OFW ang maipapasa.

“Bilang House speaker ay kaniyang maisusulong muli yong kaniyang House Bill 1474 na nagsusulong para sa pagkakaroon ng OFW Hospital,” sabi ni Dr. Chie Umandap, founder at chairman ng AKO OFW Kuwait.

-- May ulat nina Rowen Solvdevilla, Randy Lamsen at Sherwin Zuniga, ABS-CBN Middle East News Bureau

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.