Lalaking umano'y nanghalay ng 7-anyos arestado sa Koronadal City

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 07:24 PM

KORONADAL CITY - Arestado ang isang lalaki matapos umano nito gahasain ang 7-taong gulang na kapitbahay sa Koronadal City.

Pero giit ng suspek, hinipuan lang niya ang biktima. Nagawa umano niya ito dahil nawala siya sa katinuan.

Ayon naman sa hepe ng Koronadal City Police na si Supt. Benjiel Kirby Bajo, lumabas sa medico-legal examination na positibong nagahasa ang biktima.

Dagdag pa nila, mahigit sa isang beses ginalaw ng suspek ang biktima.

Hiniling ng pulisya na hindi na pangalanan ang suspek para sa kapakanan ng biktima dahil bukod sa magkapitbahay ang dalawa, malapit rin umano ang suspek sa pamilya ng bata.

Nalaman lamang umano ng pamilya ang panghahalay sa bata dahil paika-ika umano itong maglakad.

"Nag-iigib ng tubig 'yung bata tapos sinusundan niya kasi bago ka makarating sa ilog, dadaan ka muna sa bahay ng suspek. Rural area kasi 'yun at close na sa pamilya. Nakita na lang ng lola na paika-ika na 'yung bata at parang may something wrong sa kaniya," dagdag ni Bajo.

Napag-alaman rin ng pulisya na dati nang nakulong ang suspek noong 2010 sa kasong rape pero nakalaya matapos hindi dumalo sa hearing ang complainant.

Nasampahan na ng kasong rape ang suspek, na maaring makulong nang habambuhay kung mapatunayang nagkasala.