Ilang dating pangulo, nakukulangan sa laman ng SONA 2018

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 10:34 PM

Ikinadismaya rin ang naudlot na pagsasabatas sa BOL

Nakukulangan ang ilang dating pangulo sa naging saklaw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hulyo 23.

Hindi na-impress si dating presidente at ngayo'y si Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada sa takbo ng talumpati ni Duterte.

"We cannot postpone the election... we [need] to have more study about it," ani Estrada. "Mabilis masyado."

OK naman para kay dating Pangulong Fidel V. Ramos ang haba ng SONA ni Duterte pero hindi aniya sapat ang nilalaman nito.

"It is an improvement in terms of the length but not in terms of the coverage," ani Ramos.

Tingin naman ni Senate President Tito Sotto, nabawasan ng sigla sa SONA ang pangulo dahil sa naabutang bangayan sa liderato ng Kamara.

Tumugon din si Sotto sa panawagan ni Duterte ukol sa buwis.

"May bills kami na naka-pending na maa-achieve 'yong gustong gawin ng TRAIN 2 na hindi magiging ika nga e offensive as far as the taxes and inflation are concerned," ani Sotto,.

Nagbabala ang grupong Piston na taas-pasahe ang magiging epekto ng hinihingi ni Duterte na ikalawang package ng reporma sa buwis.

Dismayado naman ang ilang grupo ng kabataan dahil walang nabanggit ang pangulo tungkol sa edukasyon, suweldo, martial law sa Mindanao, at usapang pangkapayapaan. 


NAUDLOT NA BOL

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinalungkot din ng ilang grupo na hindi napirmahan ni Duterte ang Bangsamoro Organic Law (BOL) sa mismong araw ng SONA ng pangulo.

Pakiramdam naman ng liderato ng Moro National Liberation Front (MNLF)-Misuari faction, pinabayaan sila ng gobyerno.

"The MNLF has been ejected. Although the peace process has not been stopped or passed of this time," sabi ni Habib Mudjahab Hashim, chairperson ng Islamic Command Council ng MNLF-Misuari faction.

Ayon naman kay Bangsamoro transition commisioner Atty. Jose Lorena, may mga probisyon ng BOL na kinuha sa Tripoli agreement ng MNLF.

Pabor naman si Basilan Governor Jim Salliman na isama ang Isabela City sa bagong teritoryo ng Bangsamoro government.

Isinisi naman ng taga-Lanao del Norte sa pagpalit ng speaker sa Kongreso kaya hindi napabilang sa talumpati ng pangulo at hindi nalagdaan ang BOL.

Duda nila, isa itong pananabotahe sa pagpirma sa BOL.

Nitong Martes, niratipikahan ng Kamara ang BOL sa ilalim ng bagong liderato ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

"Sinasabing it's a temporary setback, pero iba pa rin talaga 'yong historic day na sana doon pinirmahan on the third SONA ng presidente," ani Abel Moya, program officer ng Mindanao Peace Building Institute.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres at Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.