Anak ng dating mayor sa Batangas, huli sa droga at nakaw na kotse

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 09:34 AM

Bumangga sa ibang mga sasakyan ang itim na kotseng minaneho ng suspek matapos na makipaghabulan sa pulisya. Larawan mula sa kuha ng CCTV ng Barangay San Roque sa Sto. Tomas, Batangas.

TANAUAN CITY – Arestado ang anak ng dating mayor ng lungsod na ito Lunes matapos makipaghabulan sa pulisya gamit ang isang nakaw na sasakyan at mahulihan ng droga.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) ng Barangay San Roque sa bayan ng Sto. Tomas, pasado alas-3 ng hapon nang makita ang pagdating ng isang itim na kotse.

Bigla naman itong lumiko at muntik nang mahagip ang isang naglalakad sa kalsada. Mapapansin ding nakabuntot sa kotse ang isang police mobile.

Nahagip sa iba pang CCTV ng barangay ang pagdaan ng mga sasakyan na tila naghahabulan.

Sa Barangay Poblacion Uno sa Tanauan City tumigil ang habulan matapos na mabangga sa ilan pang mga sasakyan ang itim na kotse.

“We conducted an intensive traffic direction and control and implementation of RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code). Mayroon silang na-halt na vehicle at sa kadahilanang wala itong plate number and at the same time wala ring conduction sticker," sabi ni Inspector Jet Sayno.

Sa pagsisiyasat, nakilala ang suspek na si John Eric Lirio, 54-anyos. Nakuha rin sa kaniya ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa 25 gramo.

“According sa mga tao na we interviewed, itong taong ito ay anak ng former mayor ng Tanauan City and allegedly in and out na siya sa jail and we were also informed na itong taong ito ay speaker sa drug symposiums kung paano tayo makakaiwas sa droga," dagdag ni Sayno.

Iginiit naman ng suspek na natakot lamang siya sa mga pulis kaya siya tumakas. Itinanggi rin nitong sa kanya ang mga nakumpiskang droga.

Dinala naman sa ospital ang mga sakay ng mga nabanggang sasakyan na nagtamo ng galos at sugat sa katawan.

Kinumpirma naman ng pulisya na nakaw ang sasakyan na pag-mamay-ari ng isang taga-San Pedro City, Laguna.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Tanauan City Police at mahaharap sa patung-patong na kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.