111 barangay sa Pampanga, lubog sa baha

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 12:00 PM

Naglabas na ng bangka ang isang residente ng Barangay San Pedro sa San Simon, Pampanga matapos pasukin ng baha ang kanilang bahay. Gracie Rutao, ABS-CBN News

SAN SIMON, Pampanga – Umabot na sa 111 barangay sa buong lalawigan ang lubog sa baha dahil sa pag-ulan nitong nakalipas na mga araw na dulot ng habagat.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 182 na rin ang mga pamilyang nailikas mula sa kani-kanilang mga bahay.

Sa Barangay San Pedro sa bayan ng San Simon, inilabas ng mga residente doon ang kanilang mga bangka dahil pumasok na sa kanilang mga bahay ang baha kahit na wala nang ulan at mataas na ang sikat ng araw, Martes ng umaga.

Lubog na sa baha ang halos lahat ng mga bahay na nasa riverside ng barangay. Nangangamba na rin ang mga nakatira sa bahagi ng dike matapos matibag ang nasa 50-metro ng dike sa kasagsagan ng pag-ulan.

Sa ngayon, nasa 2 hanggang 3 metro naman ang pagitan ng ilog sa mga kabahayan kaya pansamantalang remedyo ng mga residente doon ang sandbagging.

Tulong-tulong sila sa pagpapala at pagsasako ng buhangin para salagin ang baha.

Samantala, lalo pang tumaas ang tubig sa bayan ng Candaba na nasa 6 hanggang 7 talampakan na ang lalim sa Barangay San Agustin.

Hindi rin madadaanan ng light vehicles ang ilang kalsada sa bayan ng Masantol at Magalang habang hindi pa rin madaanan ng mga sasakyan ang ilang daan, tulay at dike sa bayan ng Candaba at San Simon.