Tindahan ng sasakyan sa CamSur, binulabog ng bomb threat

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 12:27 PM

Iniinspeksiyon ng Explosive Ordnance Disposal ng pulisya ng Camarines Sur ang isang tindahan ng mga sasakyan matapos itong makatanggap ng bomb threat. Mylce Mella, ABS-CBN News

PILI, Camarines Sur - Binulabog ng bomb threat ang isang tindahan ng mga sasakyan sa bayang ito, Lunes ng umaga.

Nakatanggap ng isang text message ang Customer Relations Department ng Toyota Camarines Sur bandang alas-9:32 nitong umaga na nagsabing kailangang lisanin ang mga establishment dahil anumang oras ay pwedeng pasabugin ang gusali dahil sa bombang itinanim.

Kuwento ni Janice Averilla, head ng Customer Relations Department, ipinadaan ang mensahe sa numerong nakalagay sa flyers ng Toyota Camarines Sur.

Tinatawagan nila ang nagpadala ng text message pero di na ito ma-contact. Agad namang inilikas ang kanilang mga customer at mga empleyado. 

Ginagalugad ng Explosive Ordnance Disposal ng pulisya ng Camarines Sur ang gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.