Scot, binaril sa bisperas ng kasal sa Cebu, sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 09:36 PM

Sugatan ang isang lalaki mula sa Scotland matapos barilin dalawang araw bago ang kanyang kasal sa Talisay, Cebu.

Ayon sa 44 anyos Scot na si Tarek Naggar, Biyernes ng madaling araw nang barilin siya ng tatlong lalaking sakay ng motorsiklo sa labas ng isang convenience store sa Talisay.

Kinuha ng mga suspek ang pitaka niyang may laman na P500 at mga importanteng cards.

“I was just standing outside a convenience store when gunman went nearer to me and shot me. Then they grabbed my wallet,” kuwento ni Naggar.

Patuloy naman ang pagpapagamot ni Naggar sa isang pribadong ospital ng Cebu. Nasa recovery period pa siya matapos ipasok sa intensive care unit ng dalawang araw dahil sa tama ng bala sa kanyang kanang dibdib.

Kuwento naman ng kasintahan ng biktima na si Ange Leh Bacaron, ikakasal sana sila ng biktimang si Naggar noong Linggo pero hindi natuloy dahil sa insidente. 

Itutuloy naman aniya nila ang kasal kapag fully recovered na ang biktima mula sa tama ng bala.

Ayon naman kay Senior Inspector Albert Quilitorio, deputy chief ng Talisay City police, kasong robbery ang tinutukan nila ngayon na motibo ng pamamaril sa biktima. 

Sinusubukan ng pulisya na makuha ang CCTV footage ng establisyimento para mas madali nilang makilala ang mga namaril. 

-- Ulat ni Jude Torres ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.