Mga kilos-protesa kaugnay ng SONA, umarangkada

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 01:50 PM | Updated as of Jul 24 2017 02:31 PM

Maagang naghanda at umarangkada ang mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta kaugnay sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes ng hapon. 

Tumulak ang daan-daang militante patungong Batasang Pambansa nang may dalang mga placard at mga effigy upang ihayag ang kanilang hinaing kay Duterte sa SONA sa kabila ng makulimlim na panahon. 

Nanguna ang mga Lumad mula Mindanao sa martsang ito.

Sinunog din nila ang mga effigy na ito bilang simbolo ng kanilang pagkadismaya sa pamahalaan. 

Nagkalat din ang mga 'duguang' karatula at higit 1,000 mga tsinelas at sapatos bilang simbolo ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK).

Nagdulot ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa Commonwealth.

Ginanap naman ang isang 'State of the Bakwit Address' sa Iligan na nilahukan ng mga grupo at evacuees mula Marawi.

Maging sa Visayas at Mindanao, nagsagawa rin ng mga protesta ang mga militanteng grupo.

Nagtipon din naman ang mga tagasuporta ni Pangulong Duterte sa Litex at Sandiganbayan upang magsagawa ng sariling programa.

Sa maagang pagtitipon ng mga pulis sa Camp Crame, ipinaalala ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa sa mga pulis na bawal magdala ng armas ang mga pulis na haharap sa mga magpoprotesta. 

Inutusan din ang mga pulis na magkaroon ng 'maximum tolerance' para sa mga raliyistang grupong magpoprotesta ngayong araw. 

"I have reminded all the police personnel deployed in Batasan to exercise maximum tolerance as they prepare for major rallies today," ani Dela Rosa.

Inaasahan naman din ni Dela Rosa na magiging payapa ang mga rally at hindi magkakaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga pulis at raliyista. 

"I expect na naka-deploy na yung tropa natin. Naka-deploy na rin ang mga militante, iyung mga magpoprotesta. I expect na cool lang sila, relax mode, walang tensyon dapat, walang unnecessary stress," dagdag pa niya. 

Sinabi rin niyang wala mang nakikitang banta ng terorismo ngayong araw, dapat ay manatili pa ring alerto ang mga pulis ano man ang mangyari ngayong araw sa SONA. 

Handa na rin ang 6,000 pulis na dineploy ng Philippine National Police na ipinakalat sa Batasang Pambansa at sa iba pang bahagi ng Metro Manila. 

Pinayagan ng National Capital Region Police Office ang mga militante na magprotesta sa kanto ng Batasan at Sinagtala na may 900 metro mula sa legislative complex kung saan magtatalumpati ang pangulo.

-- may ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.