Hiling ng ilang 'bakwit': 'Isang tingin, isang yapak' muli sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 08:28 PM | Updated as of Jul 25 2017 01:30 AM

Nagsagawa ng tinaguriang State of the 'Bakwit' Address (SOBA) ang ilang grupo sa Iligan para maglabas ng kanilang hinaing sa nangyayaring bakbakan sa Marawi. 

Nais ng grupo na makabalik na sa lungsod kahit hindi pa tapos ang digmaan doon. 

Hindi umano nila binabatikos ang Pangulong Rodrigo Duterte pero nais lang nilang ipaabot ang kanilang kalagayan sa mga evacuation center.

Balak sana ng grupo na magmartsa mula Iligan pabalik ng Marawi pero hindi natuloy dahil sa abiso ng militar at ng ilang religious leaders. Delikado pa rin kasing bumalik sa lugar.

Hinaing ng ilang 'bakwit', lalo na iyong mga nakatira sa mga lugar na sinasabing naideklara na umanong 'cleared' ng militar, nais na nilang makabalik sa kanilang tahanan. 

"Sa ngayon, gustong-gusto na namin umuwi sa aming mga tirahan. Pangulong presidente, kung puwede po mabawi ang extension ng martial law, please bawiin mo na. Kawawang-kawawa po kami, kahit na anong makain namin sa lugar namin, sapat na 'yon sa amin. Nandoon kami sa tamang lugar namin. Sa diskriminasyon, di lahat ng Christian rito ganoon. 'Yong ibang kasamahan namin nadi-discriminate sila kahit may pang-upa sila sa bahay. Hindi rin puwede pag nalaman nila na taga-Marawi ka, hindi tinatanggap," hikbi ni Nanayaon Gambao, isa sa mga 'bakwit'.

Batid man ng ibang delikado pang bumalik sa Marawi, hiling nila na mabigyan pa rin ng pagkakataong papasukin sa lungsod para masilip ang mga naiwan nilang bahay. 

"Humihihiling kami kahit isang araw kung di kami papayagang makauwi sa aming bahay. Ang karanasan namin talaga, di namin kakayanin. For the span of 2 months here, it's so hard. Even a simple mom like me. Isang ina ako, di ko matugunan ang mga tanong ng mga anak ko. How much more for the others? Tinatanong ako ng mga anak ko na 'mommy, bakit di tayo makauwi?'" ayon sa 'bakwit' na si Noraida Dibansa.
 
Giit nila na hindi digmaan ng mga relihiyon ang nangyayari sa Marawi. Kahit ayaw nila sa batas militar, hindi rin ibig sabihin noon ay kalaban na sila. 

"Hindi po kami reckless. Hindi po kami nanawagan na reckless ang pagpasok, na wala kaming pakialam sa awtoridad. Panawagan namin sa kasundaluhan na masulyupan after 60 plus days, masilip ang kanyang bahay na kanyang kinalakihan. Isang amoy, isang tingin, isang yapak, at aalis na po kami. Sa suspetsa nila na Maute will use, di namin ia-allow na may outsider na. Ipo-police namin, alam namin kung sino ang dapat kasama," ayon sa civic leader na si Samira Gutoc-Tomawis.

Panawagan ng mga bakwit na dinggin sila hindi dahil sa awa, kundi pang-unawa.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.