Duterte, humarap sa mga raliyista matapos ang SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 09:24 PM | Updated as of Jul 25 2017 12:55 AM

Matapos ang kanyang talumpati, hinarap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga militanteng grupo na nagtipon sa labas ng Batasang Pambansa para sa tinawag nilang 'People's SONA' o totoong SONA.

Pagkatapos ibigay ang kanyang ikalawang State of the Nation Address, kinausap ni Pangulong Duterte ang mga raliyista sa kalsada na nagsasabing may mga pagkukulang siya. 

Mainit ang naging pagharap ng pangulo sa mga militante. Paulit-ulit niyang sinabing handa siyang makipag-usap sa kanila at makinig sa kanilang mga hinaing, ngunit maingay ang mga ito at patuloy na isinisigaw ang kanilang mga chant, tulad ng paggigiit na magpatuloy ang peace talks.

Ikinairita ito ng pangulo, at ibinida naman niyang may mga miyembro ng militanteng grupo na in-appoint sa kanyang Gabinete, gaya nina Liza Masa at Judy Taguiwalo. 

Pilit din niyang ipinaliwanag ang sitwasyon sa Marawi, pati na ang dahilan kung bakit itinigil ang peace talks.

"Bigyan niyo ako ng panahon. Five years lang naman ang iwan ko. Sasabihin ko sa 'yo, I will deliver. Naintindihan ninyo? I will deliver. Ngayon, kung apurahin ninyo ako bukas, wala tayong magawa. Kung daanin niyo sa init ng ulo pati supladuhan, e di number one. Puwede ako niyo sigawan dito, babuyin ninyo ako dito, that's the last time I will talk to you. Kung ano mangyari sa Pilipinas, 'wag kayo pumunta sa akin. Ganoon lang tayo, magrespetuhan lang tayo. Mag-demonstrate lang kayo. 'Wag namang binastos. I am no different from you. Pareho lang tayo," ayon kay Duterte. 

Maaga pa lamang ay nag-umpisa nang magtipon-tipon ang mga militante sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Ala-una naman ng hapon sinimulan ang 'People's SONA'.

Doon tinuligsa ng mga raliyista ang naging polisiya ng administrasyon na malapit sa sikmura ng mga mamamayan, gaya ng 'endo', giyera sa Marawi, batas militar, kakulangan ng trabaho, benepisyo sa mga mamamayan, at pumalyang peace talks. 

"Tama po 'yon. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, marami na ang naging regular: ginawang regular ang pagpatay sa pinaghihinalaang drug pusher. Araw-araw, meron silang pinapatay. Ginawang regular ang pananabotahe ng peace talks. Ginawang regular ang fake news at misimpormasyon. Ginawang regular ang pambobomba sa Marawi araw-araw. Ginawang regular ang martial law hanggang Disyembre," ayon kay Renato Reyes. 

Nagsagawa naman ng programa sa gilid ng Batasan Complex ang mga tagasuporta ni Pangulong Duterte na dinaluhan ng ilang personalidad, kabilang na si Davao City Mayor Sara Duterte at ang aktor na si Cesar Montano. 

"Nandito tayo para suportahan ang pangulo. Patunay ang mahusay niyang pamamalakad ang suporta ng mga tao. He's enjoying a high rating of support from the people," ayon kay Montano.

Sa bilang na ibinigay ng Philippine National Police, nasa may 1,500 ang mga tagasuporta ng pangulo na lumahok sa programa. 

Ibinida nila ang pagtugon niya sa mga problema ng bansa, lalo na sa isyu ng giyera kontra droga. 

Sa kabila ng kabi-kabilang protesta, naging matiwasay ang harapan ng PNP at mga nagpoprotesta kasabay ng SONA.

Kontento rin naman ang mga militanteng grupo sa isinagawang 'maximum tolerance' ng pulisya.

Walang bitbit na batuta o pananggalang ang mga pulis habang inaabangan ang pagdating ng mga rallyista. 

Hindi rin tuluyang sinakop ng mga raliyista ang kabuuan ng Commonwealth Ave. 

Pinalapit din ang mga nagpoprotesta hanggang Batasan Road. 

Mga babaeng pulis na walang bitbit na armas naman ang nanguna sa hanay ng police line.

Makailang beses ding sinilip nina PNP chief Director General Ronald dela Rosa at National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde ang sitwasyon doon. 

Taya ng PNP, umabot sa 7,000 ang mga militante. Nasa 6,000 naman daw ang mga pro-Duterte. 

Sa simula pa lamang, kumpiyansa na ang Quezon City Police District na magiging matiwasay ang protesta. 

"Sinabi ko sa kanila na kailangan ay tuparin nila ang pangako na magiging maayos, pero noong una pa naman ay meron tayong mga team na nakabantay sakaling may manggulo dito," ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, direktor ng QCPD. 

Para naman sa lider ng mga raliyista, wala silang nakitang pagbabago sa seguridad, pero malaki umano ang pagbabago sa pangako ng pangulo. 

"Wala naman. Naging maayos naman. Nakalapit naman tayo. Ang nagbago lang, mga pinangako niyang wala pa ring katuparan," ayon kay Reyes.

-- Ulat nina Doris Bigornia, Abner Mercado at Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.