4 na pulis-Antipolo, arestado sa robbery-extortion

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 04:59 AM | Updated as of Jul 26 2017 01:24 AM

Apat na pulis-Antipolo ang arestado matapos ireklamo ng robbery-extortion ng isang person with disability.

Ayon sa report ni Chief Inspector Jewel Nicanor ng PNP Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), nahuli sa isang entrapment operation na isinagawa ng mga tauhan ng CITF at Antipolo PNP ang apat na pulis.

Ang mga naarestong pulis ay kinilalang sina PO1 Alejo De Guzman, PO2 Randolf Opeñano, PO2 Erwin Fernandez, at SPO1 Ginnie San Antonio.

Bigla na lamang umanong hinuli ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Antipolo PNP sa Barangay Masinag ang lalaking biktima, 23 anyos, noong Hulyo 20.

Pagdadala ng droga ang inisyal na kasong ibinibintang sa biktima, ngunit nagbantang patataasin ito sa kasong pagbebenta ng droga kung hindi siya magbibigay ng P150,000.

Ayon sa ina ng biktima, kinuha sa anak ang cellphone at halagang P16,000 na pangpa-opera umano nito.

Tumangging magbigay ng pahayag ang apat na pulis na naaresto.

Narekober sa sasakyan na ginamit ng apat na pulis ang dalawang baril, hinihinalang shabu, at pera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.