Lalaki nang-hostage ng sanggol sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2016 09:15 AM

MANILA - Dinakip ng mga pulis ang isang lalaking nang-hostage ng 11 buwang gulang na sanggol sa Sta. Cruz, Maynila Sabado ng hapon.

Kwento ni Annalyn Encinares, bandang alas-3:30 kahapon nang mapansin ng kanyang ina ang suspek na si Jamel Balacuit na nakatayo sa labas ng kanilang pintuan.

Ilang sandali pa, pumasok anya ang 20-anyos na suspek sa loob ng kanilang bahay at sapilitang inagaw ang sanggol na ni Encinares.

Hawak ang isang flower vase, ginawang hostage ni Balacuit ang sanggol sa ikalawang palapag ng bahay.

Halos tatlong oras bago nasagip ng mga tauhan ng police Special Weapons and Tactics (SWAT) ang sanggol.

Ani Insp. Rolando Almendres ng SWAT, "Kinukuha niya 'yung sasakyan at ticket pauwing probinsya. Wala s'ya sa kaisipan."

Ligtas ang biktima habang nagtamo ng sugat at galos sa iba't ibang parte ng katawan ang suspek.

Hinihinala ng mga pulis na naka-droga si Balacuit.

Inoobserbahan ang suspek sa Jose Reyes Memorial Medical Center upang makumpirma kung lango siya sa bawal na gamot o may problema sa pag-iisip.

Patung-patong na kasong alarm ang scandal, serious illegal detention at paglabag sa special protection of children against abuse and exploitation ang kakaharapin niya. -- May ulat ni Hajji Kaamiño, DZMM