Arestado ang isa umanong company commander ng Moro Islamic Liberation Front at isang fish vendor sa magkahiwalay na drug buy-bust operation noong Miyerkoles sa Soccsksargen region.
Naaresto sa umagang 'yon ang isang 32 taong gulang na fish vendor sa buy-bust sa Acharon Boulevard, Barangay Dadiangas West sa General Santos City.
Nakumpiska mula sa kanya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency Region XII, nagbebenta umano ng ilegal na droga ang suspek sa General Santos City at bayan ng Alabel sa Sarangani.
Siya umano ang source ng ilegal na droga ng isang provincial government employee na naaresto rin sa bisa ng search warrant noong Hunyo 8 sa Alabel, Sarangani.
Naaresto naman pagka-tanghali ang isang 42 taong gulang matapos mahulihan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,480.
Ayon sa PDEA XII, company commander umano siya ng MILF na nagbebenta umano ng ipinagbabawal na gamot sa General Santos City, Koronadal City, at ibang lugar sa South Cotabato.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang naaresto.
- ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Soccsksargen, Region XII, MILF, Moro Islamic Liberation Front, ilegal na droga, war on drugs, Tagalog news