PatrolPH

Libo-libo sa Oriental Mindoro inilikas dahil sa baha

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 07:19 PM

Watch more on iWantTFC

NAUJAN, Oriental Mindoro — Dahil sa walang tigil na buhos ng ulan bunsod ng habagat at bagyong Fabian, umapaw ang 5 ilog dito at naging sanhi ng matinding pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan. 

Pinakaapektado ang Barangay Arangin sa bayan ng Naujan.

Ayon sa Naujan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Huwebes pa nagsimulang bahain ang mga kabahayan sa nasabing barangay.

Alas-6 ng gabi ng Huwebes nang umabot sa bubong ng mga bahay ang lebel ng tubig. 

Nahirapan ang awtoridad na ilikas ang mga residenteng humihingi ng tulong. 

Para kay Naujan Mayor Mark Marcos, ito ang pinakamalalang pagbaha na kanilang naranasan. 

"Sanay naman kami kaya lang itong ganito, hindi na normal ito eh, sobra ito eh, sobra... Tapos may pandemya pa ngayon kaya napakahirap," ani Marcos.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Oriental Mindoro, pinakaapektado ng pagbaha ang bayan ng Naujan, Baco at Calapan City.

Hanggang nitong alas-12 ng tanghali, umabot na sa higit 2,000 na tao o higit 500 pamilya ang inilikas.

Pero may mga residente pa raw na hindi naililikas hanggang sa ngayon.

Umaasa ang PDRRMO na huhupa na ang tubig baha para mailikas na ang mga residenteng nananatili pa rin sa kanilang binahang bahay. 

Sa ngayon wala namang napaulat na namatay dahil sa pagbaha. 

—Ulat nina Andrew Bernardo at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.