PatrolPH

Ilang kalye sa Maynila, Quezon City muling binaha dahil sa malakas na ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 10:39 PM

MAYNILA - Ilang kalye sa Maynila ang binaha ulit nitong Biyernes at nagpahirap sa mga gustong sumakay na mga pasahero at mga bumabiyaheng delivery rider.

Ang mga pasahero ay halos nasa gitna ng kalye kahit malakas ang buhos ng ulan at nag-uunahan kapag may humintong jeep. 

Pagsapit ng alas-6 ng gabi, huminto ang ulan pero pagdating ng alas 6:30 ng gabi, bumuhos uli ang ulan kaya lalong tumaas ang tubig sa mga kalye. 

Na-stranded pansamantala ang ilang pasahero sa Taft Avenue sa center island, at sumilong kasama ang ilang riders. Hindi naman sila pinagbawalan ng traffic enforcers na nagmamando ng trapiko. 

Ang ilan sa sidewalk na dumaan at naghahanap ng medyo mababang lebel ng tubig para makalipat sa main road. 

Ilang pasahero naman ay isang oras naghintay ng masasakyan dahil sa hirap ng biyahe ngayong umuulan at binabaha ang mga kalsada. 

Watch more on iWantTFC

Muling binaha ang ilang mga kalsada sa Quezon City na malimit nakapagtatala ng baha sa sa tuwing mayroong ilang oras na walang tigil na ulan. 

Sa kahabaan ng Mother Ignacia Ave. malapit sa EDSA, lagpas gutter pa rin ang naitalang pagbaha kanina. 

Gutter-deep na pagbaha din ang naranasan ng mga motorista sa ilang bahagi ng Araneta Ave. malapit sa Quezon Ave. na nagresulta naman sa bahagyang pagbagal ng daloy ng traffic noong rush hour. 

Binaha ang ilang bahagi ng Timog Ave. at Scout Tobias St.

Mabilis din namang humupa ang baha sa nasabing mga kalsada matapos tumila ang ulan. 

—Ulat nina Wheng Hidalgo at Johnson Manabat, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.