PatrolPH

53 pamilya mula sa 2 barangay sa QC in-evacuate matapos bahain ang lugar

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 08:55 AM

Nalubog sa baha Huwebes ang ilang mga lugar sa Quezon City dahil sa malakas na ulan.

Kaya inilikas ng lokal na pamahalaan ang nasa 53 pamilyang nakatira sa ilang mga flood prone areas sa lungsod. 

Nasa 35 pamilya o katumbas ng 124 indibidwal ang pinalikas sa tennis court ng Barangay Masambong.

Naglagay ng mga modular tent at mahigpit na ipinapatupad ang mga health protocols. 

Ayon kay Arsenia Flores, punong barangay, kahit humupa na ang baha, di na muna papayagan ang mga residente na makabalik sa kanilang mga bahay. 

Mabilis kasi ang pagtaas ng tubig sa ilang mga mabababang lugar sa barangay, lalo na tuwing sunod sunod ang pag-ulan.

Sa Barangay Bagong Silangan naman, naglagay din ng mga modular tents sa covered court at elementary school. Lumikas ang nasa 18 pamilya o katumbas ng 77 indibidwal sa tatlong evacuation centers. 

Ayon sa mga taga-barangay, nakatira raw ang mga residente sa mabababang lugar at malapit sa creek.

Lahat ng mga evacuee ay hinatiran na ng mga pagkain at mahigpit ding pinatutupad ang mga safety protocols kontra COVID-19.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.