PatrolPH

15 bahay nasira sa hampas ng alon sa Oton, Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 03:11 PM

15 bahay nasira sa hampas ng alon sa Oton, Iloilo 1
Nasira ang ilang bahay sa baybaying dagat ng Oton sa Iloilo matapos hampasin ng malakas na alon dulot ng hanging habagat. Larawan mula sa Oton Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office


Nasa 15 bahay sa Barangay Poblacion East sa bayan ng Oton sa Iloilo ang naitalang nasira dahil sa paghambalos ng malalaking alon dala ng hanging habagat nitong Biyernes, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
 
Apat na pamilya ang lumikas sa Oton National High School, habang ang ibang apektadong pamilya naman ay nakikituloy na lang muna sa kanilang mga kamag-anak.

Nagpaabot na ng relief goods ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya.

Patuloy pa ang pagbabantay ng awtoridad sa mga kabahayan na malapit sa dagat at inabisuhan na ang mga ito na lumikas kung kinakailangan.

Samantala, binaha at nasira naman ang mga bahay sa coastal barangay ng lungsod ng Iloilo, Biyernes din ng umaga, dala ng hanging habagat at pagtaas ng tubig dagat sa lugar.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa 11 bahay ang naitalang nasira sa tatlong coastal barangay ng lungsod.

Umabot naman sa tuhod ang tubig baha sa ilang bahay sa Rizal, Pala Pala 2, sa lungsod ng Iloilo.

Umabot din sa National Highway ang baha sa Rizal Street sa Iloilo City.

Nagpaabot na din ng tulong ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa mga apektadong pamilya.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.