PatrolPH

1 patay, 1 sugatan sa banggaan ng 2 motorsiklo sa Capiz

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2021 04:17 PM

1 patay, 1 sugatan sa banggaan ng 2 motorsiklo sa Capiz 1
Dead on arrival sa ospital ang isa sa rider ng nagkasalpukang motorsiklo sa Mambusao, Capiz. Larawan mula sa Mambusao Police

Patay ang isang delivery rider at sugatan naman ang isa pa matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Barangay Tugas, Mambusao, Capiz, Huwebes ng gabi.

Nakilala ang namatay na si Jeffrey Abanes, 30 anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo si Abanes papuntang opisina sa Sigma, Capiz nang makasalpukan ang kasalubong na motorsiklo.

Sa lakas ng banggaan ay tumilapon sa kalsada ang dalawang rider.

Kaagad naman na dinala sa ospital ang dalawang rider pero idineklarang dead on arrival si Abanes matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Hindi pa rin matukoy ng awtoridad ang pagkakilanlan ng sugatan na rider dahil walang nakuhang dokumento sa kaniya.

Patuloy siyang ginagamot sa ospital at nasa ligtas na umanong kalagayan.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.