Senate probe sa pagkamatay ng high-profile inmates 'alang-alang sa transparency' - Hontiveros

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 12:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Dapat na maimbestigahan ng Senado ang umano’y pagkamatay ng high-profile drug lords sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng New Bilibid Prison para matanggal ang anumang haka-haka tungkol dito, ayon kay Sen. Risa Hontiveros. 

“Nakakapagtaka paano 'yung COVID-19 na-wipeout niya 'yung several drug lords isang iglap, parang isang walis,” pahayag ni Hontiveros. 

Isa sa mga presong namatay dahil umano sa COVID-19 ay si Jaybee Sebastian. Isa siya sa mga nagdawit noon kay Sen. Leila De Lima sa pamamalakad umano ng ilegal na droga sa Bilibid 

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, sinabi ni Hontiveros na ito ang dahilan ng pag-file niya ng Senate Resolution No. 473 para magsagawa ng pagdinig para masagot ang mga tanong sa pagkamatay ng inmates. 

“Alang-alang sa transparency, kailangang linawin ang mga tanong na ito, kailangang malaman ng publiko kasi rin naman ‘di na bago 'yung pagdududa natin,” sabi ni Hontiveros. 

Naging kontrobersiyal din ang Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa usapin ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) for sale scandal kung saan maagang napapalaya ang mga preso kapalit ng pera. 

Inaasahan naman ni Hontiveros na aaksiyunan ang kaniyang resolusyon sa pagbubukas ng sesyon ng Senado sa Lunes. 

Dagdag pa ni Hontiveros na kaugnay din ito sa isyu ng COVID-19 na “ticking bomb” sa penal institutions, na karamihan ay siksikan.

“Kailangang tingnan ang health at sanitary condition sa ating mga bilangguan baka dumami,” sabi ni Hontiveros.

“Dapat mag-raise ng urgent concern sa public health. Dapat i-stem 'yung pagkalat at pag-multiply geometrically ng pagkahawa at kamatayan sa loob ng bilangguan," sabi niya.