SAPUL: 'Salisi' suspek sumabay sa food delivery para tangayin ang bisikleta sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 03:46 PM

Huli sa CCTV ang pagpasok ng isa umanong salisi suspek na tumangay ng bisikleta sa isang townhouse compound sa Barangay Lourdes, Quezon City. ABS-CBN News

MAYNILA - Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang suspek na nakunan ng surveillance camera na sumabay sa food delivery para makapasok sa target na pagnakawang townhouse compound sa Barangay Lourdes, Quezon City.

Sa kuha ng CCTV noong Martes, mapapanood na binuksan ng residente ang gate ng compound para kunin ang delivery.

Pero agad umanong sumabay ang isang suspek na nagkunyaring may kakilala sa loob ng compound.

Nang makakuha ng tiyempo, binuksan ng suspek ang gate at tuluyang tinangay ang mamahaling bisikletang nakaparada sa garahe ng compound.

Ayon kay Violeta Ytac, desk officer sa Barangay Lourdes, dayo lang ang suspek sa lugar at sumalisi habang may nagpapa-deliver sa naturang compound.

Sa Barangay Commonwealth, Quezon City, nakunan din ng CCTV camera ang pagtangay ng isang suspek sa motorsiklo.

Nakaparada lang sa harap ng bahay ng biktima ang motorsiklo nang tabihan ito ng suspek na nagpanggap umanong tambay sa lugar.

Natangay din ang ilang pera at gamit ng bitkima na nasa U-box ng motorsiklo.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.