SAPUL SA CCTV: Babae nangharang ng mga sasakyan para mamalimos sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 05:44 PM | Updated as of Jul 23 2020 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA (UPDATE) - Nakunan ng CCTV ng Metropolitan Manila Development Authority ang isang babae na iniharang ang sarili sa mga kotse para umanong manlimos sa Monte De Piedad sa EDSA. 

Mabagal ang usad ng mga sasakyan pero may ilan pang kotse na humarang dito. 

Huhulihin na dapat ng enforcer ang babae pero tumawid ito sa kabilang lane papunta sa kasamahang lalaki. 

Hinala ng MMDA na humihitit ng solvent ang babae. 

Hindi tumitigil ang MMDA sa pagsagip sa mga palaboy pero anila mas kailangan ng long-term at konkretong programa para sa kanila. 

Pero sakaling mangyari ito, ipinayo ni EDSA Traffic Chief Bong Nebrija na huwag banggain ang mga palaboy. 

"We do not encourage na sagasaan ano, pero siyempre if your life or your family’s life is threatened, babatuhin ka o sasaksakin ka, you’ll never know what will happen to you, you are obligated to defend yourself," ani Nebrija. 

Ayon kay Nebrija, naglipana na rin ngayon ang mga street dweller na karaniwang nakikita umano tuwing Pasko. 

"Halos everyday nag-ooperate kami diyan... We're asking them to move out of EDSA para hindi sila masagasaan. Ngayong walang ibang andiyan, they are using solvent," ani Nebrija. 

Mula noong Hunyo 1 hanggang Hunyo 16, nasa 1,677 ang mga street dweller na sinagip ng MMDA. 

Payo ni Nebrija sa mga motorista na maging alerto at bumusina sakaling harangin ng mga street dweller sa kalsada para mapukaw ang atensiyon ng mga awtoridad.

Maaaring i-report sa MMDA Hotline 136 ang ano mang mga emergency at mga kaparehang sitwasyon sa lansangan. 

-- May ulat nina Zhander Cayabyab at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.