Quarantine period para sa mga OFW na residente ng Marikina, mas pinaiksi

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 07:08 PM | Updated as of Jul 23 2020 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Hindi na kinakailangang dumaan sa mahabang quarantine period ang mga uuwing overseas Filipino workers na residente ng Marikina City, ayon sa alkalde ng lungsod ngayong Huwebes.

“We made arrangements with the national government sa IATF (Inter-Agency Task Force) para yung mga OFW namin, maiuwi namin agad sa Marikina,” sabi ni Mayor Marcelino Teodoro sa panayam sa TeleRadyo.

Aniya, kailangang makipag-ugnayan lamang sa lokal na pamahalaan ang mga pauwing OFW.

“Puwede namin silang sunduin sa airport, ihahatid sa Marikina. Ite-test lang sila, isa-swab. Overnight, magka-quarantine,” sabi ni Teodoro.

May sariling testing at laboratory ang Marikina government, at maging treatment at quarantine facility na accredited din ng Department of Health.

“Kung makuha agad ang resulta, kinabukasan puwede na namin silang ihatid agad sa kanilang bahay para hindi na nangyayari yung nakikita nating dalawang linggo, nasa quarantine facility sa national,” sabi ni Teodoro.

Samantala, bagaman nawala na ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod, may mga kaso pa rin silang naire-report na hindi na galing sa komunidad, kundi naiuuwing virus mula sa labas.

“Very aggressive tayo sa contact tracing. Dumadami kaso natin. Marami tayong taga-Marikina na nagtatrabaho sa mga ospital, mga supermarket, Nagkakaroon ng transmission doon. Kaya, pag-uwi, ang pamilya nahahawa,” sabi ni Teodoro.

Paalala niya sa mga residente na tiyaking magkaroon ng dobleng pag-iingat pag-uwi sa bahay.

“Magkaroon sila ng paraan kung saan mag-disinfect ng sarili, mga damit na pinagsuutan,” payo niya.

Dapat rin aniyang magkaroon ng programa para matiyak na ang mga workplace ay ligtas sa COVID-19.

“Importante yung mga health declaration na ginagawa, at health protocols, at yung workplace nati,n dapat may physical reconfiguration para ma-maintain yung protocol na kailangan,” dagdag niya.