Mga bilihan ng motorcycle accessories sa Caloocan dinadagsa para sa barrier

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 01:25 PM

MAYNILA - Nagkukumahog ang ilang motorcycle rider sa pagbili ng barrier sa mga motorcycle accessories shop sa Caloocan, ilang araw bago simulan ng gobyerno ang panghuhuli at pagmumulta sa mga magkaangkas na walang barrier. 

Ayon sa isa sa mga tinderang si Sharina Villacorte, patok sa mga rider ang barrier na gawa sa acrylic na may handle at back-pack style ang korte. 

Aniya, 50 na ang naibenta nilang barriers na nagkakahalagang P700 hanggang P800. 

Pero may mga ibang rider naman na hindi kumportable sa mga matitigas na barrier kaya ang binibili nila ay iyong mga may fiber na may foam. 

Nitong Hulyo ay pinayagan ng gobyerno ang pag-angkas ng mag-asawa o kaya mag-live in partner sa mga motorsiklo basta't may barrier at mapatunayan ng mga ito na sila ay magkasama sa iisang bubong. 

Una nang sinabi ng ilang motorcycle organizations na nangangamba sila sa posibleng epekto ng ikakabit na barrier sa kaligtasan ng mga rider.

Maaaring makulong nang 6 buwan o multahan ng P20,000 hanggang P50,000 ang mahuhuling lumabag sa patakaran. 

Sa Lunes, Hulyo 26, sisimulan ang panghuhuli at pagpataw ng multa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.