Labor, transport groups kinalampag ang tanggapan ng DSWD sa 'pagkakait' ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 01:20 PM | Updated as of Jul 23 2020 02:17 PM

Kinalampag ng grupong Kilusang Mayo Uno at Piston ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development sa Quezon City ngayong umaga para ipanawagan ang kanilang ayuda ngayong natengga sila sa lockdown. 

Bitbit ang mga placard at streamer, naka-physical distancing at suot ang face mask, malakas ang sigaw ng mga grupo na gutom na sila at ipinagtatanong kung nasaan na ang ayuda para sa kanila.

Hinaing ni Piston deputy secretary general Ruben Baylon, tinanggalan na nga sila ng pasada, pinagkaitan pa sila ng ayuda. 

Bukod dito, panawagan din aniya ng PISTON ang 100 porsiyentong balik-pasada sa lahat ng mga ruta at zero jeepney phaseout.

Trabaho at ayuda rin ang panawagan ng grupong KMU.

Sinabi rin ng mga militanteng grupo na lalahok sila sa ikakasang protesta sa araw ng SONA ni Pangulong Duterte para igiit ang kanilang mga panawagan. -- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.